Nakaranas ka na bang mawalan ng pera? Hindi ba’t nakakabaliw, nakakainis, at nakaka-pressure ang ganitong sitwasyon? Lalo pa kaya sa kagaya kong hindi naman talaga sanay masagad sa pera. Naging ugali ko na ang maging maluwag sa paggastos. Madalas kong katwiran. “Pera lang yan.” Pero ganito pala kahirap makapos. Nangangarap ng gising at dinadala pati sa panaginip ang pagiging desperada na yumaman. Naiisip mo lahat ng posibleng mag-aahon sa ‘yo sa lugmok mong sitwasyon. Paulit-ulit, magmukha ka mang sirang plaka sa pagsasabin, “Mananalo ako sa Mark 6,” ay babagsak ka na lamang sa pagtawa sa iyong kabaliwan.
Minsan napasabay ako sa mga kapwa ko Pilipina isang hapon sa pagtataya ng Mark 6. Dito nagsimula ang usapang walang pera. Ito ang unang subok ko. Hindi ko nga alam kung papano ba markahan ang kapirasong papel kung saan nakaukit ang numero mula 1 hanggang 49. Ayon sa mga kasama ko, anim na numero ang kailangan mong guhitan sa papel. At pagkatapos makapili ng anim na numero ay saka ka naman pipili kung saan mo ilalagay ang iyong taya. Single, Multiple o Banker? Bagong kaalaman para sa akin ang pagtaya dito. Umaasang lumabas ang numerong napili. Bagama’t di pa nananalo, kay rami ko ng planong gustong tuparin kung sakaling makuha ko ang jackpot. Ikaw ba naman ang maging instant milyonaryo? Sigurado, kagaya ko pangarap mo ring ikutin ang buong mundo, magpatayo ng family business, bumili ng bahay at lupa sa Baguio, kotse at mawawala ba ang pagtulong sa kawanggawa at pag-donate sa simbahan bilang pasasalamat sa instant pagpapala? Ang sarap mangarap. Bukambibig ni Ate Carina na mapalad daw ang first timer. Lalo lang tuloy nadagdagan ang ilusyon ko ng araw na iyon. Beterana na silang maituturing sa ganitong bagay. Tatlong beses sa isang lingo ang bolahan sa Mark 6. At walang palya rin silang tumataya. Malakas ang pag-asang makakasuwerte din sila. At pag nangyari daw iyon, uuwi na raw sila sa Pilipinas. Ilang ulit nga binaggit, kahit first prize na lang daw. Kung di man ipagkaloob ang jackpot sa kanila. Sa puntong ito, humagalpak ako sa tawa. Naisip ko lang, sa milyong tumataya at pilit umaasam makuha ang jackpot makakailang taya pa ba ako? Kung gagayahin ko silang tataya kada bola hindi kaya sa isang taon ay nakabili na ako ng lupa o nakapagpatayo na ako ng sarili kong bahay kung inipon ko? Hindi masama ang mangarap. At lalong hindi rin siguro masama ang umasa. Nagpatuloy pa ang aming usapan. Tinanong nila ako kung bakit bigla ay naisipan kong tumaya. Hindi naman ako ipokrita para sabihin kong trip ko lang. Sinagot ko sila ng diretso. Nagsasawa na ako sa sitwasyon ko, habang tumatagal ka sa abroad lalo ka lang malulubog sa utang. Pag nanalo ako, uuwi na ako at magpapatayo na lamang ng sarili kong negosyo. Ang hirap maghintay ng sahuran tapos lipad agad ang pera hindi pa man nag-iinit sa yong kamay. Dalaga nga ako pero pasan ko naman lahat ang problema. Ayokooooo na… Napahagikgik sila sa tawa sa aking tinuran. Abnormal na lang daw ang taong walang utang at walang problema. Marahil tama pero kalabisan naman na yata ang pigain ka kahit wala na. Pati kamag-anak na hindi mo naman talaga obligasyon ay di naniniwalang wala kang pera. Kung ‘di mo pinagbigyan sa hilig nila, asahan mo ikaw na ang pinakamasama sa mundo. Siyempre, kinagabihan inabangan ko ang bolahan. Nanginginig pa ako sa nerbiyos ng ikumpara ko ang aking numero sa lumabas sa bolahan. Tinatanong niyo kung nanalo ako? Aba, ayoko ng magsalita. Baka humingi ka pa ng balato… Tumaya ka rin kaya?
Author: Amy Gunnacao, TWG
*Published in True Friends Newsmag (October 2008 issue)